Mt. Province coop helping communities fight poverty
Isang kooperatiba mula sa Mountain Province ang pilit na nilalabanan ang kahirapan sa kanilang lugar. Kilalanin natin ang Besao Multi-Purpose Cooperative, ang bayaning samahang Bayaning Pilipino ng Besao, Mountain Province.
Malayo, lubak-lubak at madalas na landslide ang daan patungo sa liblib na lugar ng Besao sa Mountain Province.
Sa dahilang malayo sa kabihasnan, kakulangan sa suporta ng gobyerno ang kalimiting problema ng mga tao rito.
Kaya noong 1967, sa halagang P50 itinayo ng mga lider sa lugar ang Besao Multi-Purpose Cooperative.
“Ang tulong na ibinibigay ng coop sa Besao ay siyang nagpapalago ng kailangan ng Besao,” ani Harvey Gaab, chairman ng kooperatiba.
Ngayon, nasa halos 3,000 na ang kanilang miyembro at umabot na sa milyon ang kapital ng kooperatiba. Hatid nito'y pagpapautang ng maliit na interes, may livelihood training din tulad ng farming, hog raising at carpentry.
Maging ang pag-market ng sarili nilang native na produkto gaya ng mga jams at wine, ginagawa na rin ng grupo.
Bukod dito isinaayos din ng kooperatiba ang water system sa lugar para magkaroon ng sapat na tubig ang bawat bahay sa lugar.
“Ginagamit ng mga community sa poblacion, hindi lang ang miyembro ng koop, pati ang mga local government sinusuplayan,” ani Gaab.
Kaya naman laking suwerte ng mga taga-Besao dahil sa paglago ng kooperatiba, kasabay nitong umaangat ang buhay ng bawat pamilya sa lugar..
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa Bayaning Pilipino, mag-log on lamang sa bayaningpilipino.abs-cbnNEWS.com.